NAGA CITY-Patay ang apat na katao habang sugatan naman ang isa pagkatapos na sumiklab ang apoy sa Ravanzo Extension, Ibarra St. Barangay 1, Lucena City, Quezon.
Kinilala ang mga biktima na sina Lolot Lubiano, 72-anyos, isang walong anyos na batang babae, Juanito Hernando, 65-anyos, at si Jay Mark Hernando, 18-anyos, lahat pawang residente ng Ibarra St. Brgy 1, Lucena City Quezon.
Nakakuha naman si Margarita Lubiano Punzalan, 45-anyos ng 2nd degree burns dahil sa insidente.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na bandang alas-3:45 ng mag-uumaga ng Enero 26 nang sumiklab ang apoy.
Nadamay naman sa sunog ang 15 kabahayan.
Tinatayang aabot sa limang daang libong piso ang danyos na iniwan ng sunog habang patuloy pa na inaalam ng mga awtoridad ang posibleng pinag-simulan ng sunog.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa nabanggit na pangyayari.