Mahaharap sa 47 taong pagkakakulong ang apat na dating executive ng defunct Technology and Livelihood Resource Center (TLRC) matapos silang hatulan ng Sandiganbayan ng graft at malversation kaugnay ng maling paggamit ng Priority Development Assistance Funds (PDAF) ni dating Cong. Marc Douglas Cagas IV.
Hinatulan ng Third Division ng anti-graft court si dating TLRC deputy director general Dennis Cunanan, dating group manager at legislative liaison officer Maria Rosalinda Lacsamana, dating budget officer Consuelo Lilian Espiritu at dating chief accountant Marivic Jover na guilty sa 2 counts of graft, malversation of public funds at malversation of public funds through falsification.
Ang bawat isa sa kanila ay pinagmumulta rin ng P5.4 milyon at lahat ay inutusang sama-samang ibalik sa gobyerno ang P5.4 milyon kasama ang legal interest.
Ang kaso ay nagsasangkot ng serye ng mga transaksyon noong Pebrero 2008 kung saan si Cagas, ang House representative for first district of Davao del Sur, ay nag-endorso sa kanyang napiling NGO, na Farmerbusiness Development Corporation (FDC), sa Priority Development Assistance Funds mula P600,000 hanggang P6 milyon para umano sa livelihood at development projects.
Pinirmahan nina Cunanan, Lacsamana, Jover at Espiritu ang disbursement voucher.
Sa paghatol sa 4 na graft executives, sinabi ng anti-graft court na ang unilateral endorsement ng pondo sa nasabing korporasyon ay lumabag sa procurement and appropriation laws and regulations dahil ang FDC ay hindi kabilang sa mga nakalistang implementing agencies ng PDAF-funded livelihood projects at hindi natuloy ang endorsement.
Giit pa ng korte na ang paglilipat ng pondo ay lumabag din sa mga circular ng Department of Budget and Management at Commission on Audit.