-- Advertisements --

CEBU CITY – Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang PNP (Philippine National Police) matapos mahukay ang apat na bangkay sa Sitio Bago, Barangay Cogon, sa bayan ng Compostela, Cebu.

Una nito, dumulog sa police station kahapon ng umaga ang isang concerned citizen dahil sa umaalingasaw ang diumano’y amoy ng bangkay sa bakanteng lote sa nasabing lugar kaya agad nirespondehan.

Sumambulat sa kanila ang tatlong lalaki na agnas na ang katawan, habang hindi na makilala ang isa dahil buto na lang ito nang ma-retrieve mula sa hukay.

Ayon kay Police Corporal Rolan Alo ng Compostela Police Station, nasa limang metro ang pagitan ng magkaibang hukay at nananatiling blangko ang motibo sa krimen.

Nakikipag-ugnayan na ang PNP sa karatig nitong barangay upang malaman kung may nawawala bang mga indibidwal o ang posibilidad na makilala ang mga bangkay.

Isinailalim ang apat na bangkay sa autopsy at aalamin ang posibleng dahilan ng kanilang pagkamatay.