-- Advertisements --

Patuloy ang ginagawang search and rescue operations sa Vietnam ngayong Linggo para sa lima pang nawawala matapos tumaob ang isang bangka sa Ha Long Bay noong Sabado, kung saan 37 katao ang naiulat na nasawi.

Ang bangkang tinatawag na “Wonder Sea” ay may sakay na 48 pasahero at limang tripulante nang ito’y tumaob dahil sa biglaang buhos ng ulan at masamang panahon, ayon sa VNExpress.

Karamihan sa mga pasaherong nasawi ay magpa-pamilya mula sa Hanoi, kabilang ang mahigit 20 bata.

Ayon sa mga awtoridad, 11 katao ang nailigtas, habang 34 na bangkay ang narekober hanggang noong Sabado ng gabi. Tatlong tripulante rin ang nahanap patay sa loob ng cabin kinagabihan, habang nagpapatuloy ang paghahanap sa natitirang limang nawawala ngayong Linggo.

Nagpaabot na ng pakikiramay si Vietnamese Prime Minister Pham Minh Chinh sa mga naulila at inatasan ang mga kaukulang ahensya na magsagawa ng masusing imbestigasyon at panagutin ang sinumang mapatunayang nagpabaya sa insidente.