Aminado ang Presidential Security Group (PSG) na naalarma at nabahala sila sa naganap na kambal na pagsabog sa Jolo, Sulu kamakailan.
Gayunman, sinabi ni PSG commander, Col. Jesus Durante III na hindi sila nagkukulang sa pagbabantay sa seguridad ni Pangulong Rodrigo Duterte at kanyang pamilya.
Ayon kay Col. Durante, lagi naman silang naka alerto 24/7 at may mga nakahandang contingency measures sa anumang mga insidente.
Sa ngayon, inihayag ni Col. Durante na wala naman silang namo-monitor na seryoso at direktang banta sa seguridad ni Pangulong Duterte pero hindi nangangahulugang magpapaka kampante sila.
Sa katunayan, nagpapatupad umano sila ng 360 degrees security protection para sa punong ehekutibo at pamilya nito kaya walang dapat ipag-alala ang publiko.
Patuloy daw na nananatili sa Davao City si Pangulong Duterte, ligtas ito at maayos ang kalusugan.
Hindi naman masabi pa ni Col. Durante kung kailan maaaring magbalik dito sa Metro Manila si Pangulong Duterte.