-- Advertisements --

ofw1

Nailigtas ang nasa 35 Filipino Seafarers na biktima ng human trafficking sa Namibia, South Africa.

Ito ang inihayag ng Overseas Filipino Workers (OFW) Party List Group na kanilang tinulungan para mabalik ng Pilipinas.

Ayon kay OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” Magsino na sinalubong nila ang 35 repatriated Filipino Seafarers mula sa Namibia, South Africa.

Kabilang sa mga sumalubong ay sina Department of Foreign Affairs (DFA) Usec. Eduardo De Vega at iba pa.

Sinabi ni Magsino, inilahad ng mga Filipino Seafarers na pinagta-trabaho umano sila bilang mga mangingisda sa Namibia na paglabag sa kanilang kontrata na katumbas ng human trafficking at pagkakasangkot ng kanilang barko sa illegal fishing.

Bukod sa mga paglabag na ito na kinasasangkutan ng employer ng mga Pinoy Seafarers, hindi rin umano ibinibigay ng buo ang kanilang suweldo.

Ipinaliwanag ni Magsino na nakatakdang magsagawa ng imbestigasyon ang DMW sa recruitment agency na may hawak sa 35 Pilipinong tripulante para alamin kung lumabag ang ahensiya sa karapatan ng mga nasabing OFW’s na nagdala sa kanila sa Namibia ng walang kaukulang dokumento.

Inihayag ng mga Filipino Seafarers na nagpunta sila sa nasabing bansa ng walang “working visa” at kumukubra ang kanilang amo sa kanilang kita. Bukod pa dito ang sapilitang pagkakasangkot nila sa mga illegal na gawain.