-- Advertisements --

Tatlumput-isa pang Pilipino ang nagawang makalabas ng Afghanistan sa gitna ng kaguluhan na nangyayari doon makalipas na makuha ng Taliban ang kontrol sa bansa.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), 16 sa mga Pilipino na umalis ng Kabul lulan sa isang military flight ang nasa United Kingdom na sa kasalukuyan.

Nasa 13 pang Pilipino na nauna nang umalis sa bansa ang nasa Oslo, Norway naman, habang isa ang nasa Almaty, Kazakhstan, at isa pa sa Kuwait.

Karagdagang walong Pilipino ang nagparehistro sa embahada pero ayaw pang umalis sa Afghanistan sa kasalukuyan, ayon sa DFA.

Patuloy namang nagpapasalamat ang DFA sa lahat ng mga bansa na tumutulong at nakikipag-ugnayan sa kanila hinggil sa repatriation ng mga Pilipinong nasa Afghanistan.

Sa kabuuan, 175 Pilipino na ang umalis o lumikas mula sa Afghanistan, habang nasa 32 pa ang nananatili sa bansa, at 22 sa kanila ang ayaw makibahagi sa repatriation.

Sinabi ng DFA na sa mga ayaw umalis ng Afghanistan ay makakatanggap pa rin naman ng tulong mula sa pamahalaan.