CEBU CITY – Nag-iwan ng tatlong kataong patay ang pagbangga ng van sa motorsiklo sa Barangay Busay, Cebu City.
Ayon kay Pol. Staff/Sergeant Arnado Jacinto ng Mabolo Police station, nawalan ng preno ang Isuzu Elf van na minamaneho ng isang Welmer Imbudo, 40-anyos.
Sa inisyal na imbestigasyon, pababa ang van na lulan ang 11 pasahero kung saan nakasunod ito sa isang motorsiklo na minamaneho ng nagngangalang Jason Calo at mayroong tatlong sakay.
Ito ay sina Alona Salon, 47-anyos, ang ina ng driver na si Jason; Erika Salon, 16, at ang 12-anyos na si Jay Salon, na pawang nasawi matapos dumausdos sa kanila ang van.
Dahil umano sa sobrang lakas ng impact, agad na binawian ng buhay ang 12-anyos.
Pumasok pa sa ilalim ng van ang 16-anyos at ang 47-anyos na biktima, habang tumilapon ang driver na si Jason.
Dinala agad sa ospital ang mga ito ngunit tuluyang namatay ang 16-anyos at 47-anyos na biktima.
Maliban sa motorsiklo, nabangga din ng van ang isang V-hire.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga otoridad ang pangyayari at sa ngayon, nasa kustodiya na ng Mabolo Police Station ang driver ng van na nahaharap sa kasong reckless driving resulting to multiple homicide.