LEGAZPI CITY – Bagsak sa kulungan ang tatlong drug suspects matapos ang isinagawang matagumpay na buy-bust operation ng kapulisan sa Purok 4, Brgy. San Roque ng lungsod ng Tabaco.
Kinilala ang mga naaresto na sina Wilfred Cao, 42; Anthony Alarcon, 29; at Jhonnie Delia, 36 na pawang residente ng naturang lungsod.
Nabatid na kinabibilangan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Albay Provincial Intelligence Branch (PIB) at ilan pang police units ang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlo at pagkakarekober ng isang plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu at P500 na halaga ng buy-bust money.
Maliban pa rito, nakumpiska pa sa kontrol ng mga ito ang walong sachet ng kaparehong substance na may market value na P6,000.
Inihahanda na rin sa kasalukuyan ang kasong kakaharapin ng mga naturang suspek.