-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Puspusan pa rin ang paghahanap sa tatlong mag-aaral na hinihinalang nalunod sa barangay Baringin Norte, Cauayan City.

Ang mga pinaghanap ngayon ay sina Precious Calati, 12; Jessa Ballad, 15, at Nerish Domingo, 15, pawang mga residente ng Cauayan City.

Ang kasama ng tatlong nagtungo sa ilog ay sina Joylyn Taguinod, 13; Crismark Taguinod, 15, at isang residente ng Duminit, Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan inihayag ni Barangay Kapitan Jordan Mallillin, ng Baringin Norte, Cauayan City, nagtutulong tulong ngayon ang mga opisyal ng barangay at kasapi ng Rescue 922 para sa paghahanap ng mga mag-aaral na nalunod.

Una rito, naliligo ang tatlong biktima kung saan napunta sila sa malalim na bahagi ng ilog na naging sanhi para sila ay malunod.

Habang ang tatlo pang mga mag-aaral ay hindi na naligo ngunit pinagsabihan ang mga naliligo na iwasan na magpunta sa malalim na bahagi ng ilog ngunit kanilang sinabi na kayang kaya nila ito.

Sinikap ng tatlo na iligtas ang kanilang tatlong kasamahan ngunit nabigo sila dahil sa malalim na tubig.