NAGA CITY – Sugatan ang tatlo katao kasama na ang isang sundalo at pulis sa pananaksak ng isang lalaki sa GCQ checkpoint sa Anayan, Pili, Camarines Sur.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), napag-alaman na habang naggo-grocery ang sibilyan na si Fernando Celestino, 47, nang lumapit ang suspek na si Bonjinito Nogas, 57, at pinagsasaksak ito.
Agad namang lumapit si Pfc. Kim Oribiada, isang miyembro ng 9th Signal Battalion, Infantry Division, Philippine Army para arestuhin ang suspek ngunit ito naman ang sunod na inatake ni Nogas.
Sunod na rumesponde ang pulis na si Cpl. Ed Mykle Oliver, 31, ng Pili PNP ngunit pinagsasaksak rin ito ng suspek.
Dito na rin lumapit ang iba pang mga otoridad na naka-assign sa Quarantine Control Point sa naturang lugar at inaresto ang suspek habang narekober naman dito ang kutsilyong ginamit sa krimen.
Sa kabilang dako, agad naman na itinakbo sa ospital ang mga sugatang biktima.