BAGUIO CITY – Arestado ang tatlong drug personalities matapos nakumpiska sa kanilang mga tahanan ang aabot sa P304,000 na halaga ng mga pinaniniwalaang marijuana oil at shabu nang isibilbi ang search warrants sa mga ito sa Lacnog, Tabuk City, Kalinga.
Unang ipinatupad ang search warrant sa tahanan ni Rufina Guimba Ayyang na nagresulta sa kanyang pagkaaresto.
Nakumpiska sa nasabing bahay ang isang bote ng pinaniniwalaang marijuana oil, isang bote ng pinaniniwalaang marijuana oil residue at 12 na marijuana seedlings na nakatanim sa paso sa gilid ng bahay.
Sunod na ipinatupad ang ikalawang search warrant sa bahay nina Merlyn Guimba Cardenas na nasa talaan ng high value individual (HVI) drug personality ng Cordillera region at Kenneth Wanas Cardenas na itinuturing na newly identified drug personality.
Nagresulta naman ito sa pagkaaresto ng dalawa matapos madiskubre at makumpiska sa kanilang tahanan ang 15 bote ng pinaniniwalaang marijuana oil, limang pakete ng pinaniniwalaang shabu, isang galon ng dalawang litro na pinaniniwalaang marijuana oil at isang pakete ng pinaniniwalaang marijuana seeds na may bigat na 250 grams.
Sa ngayon, nahaharap ang tatlong drug personalities sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.