Nagpasalamat ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Office of Civil Defense (OCD) sa lahat ng nakilahok sa 2nd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) na Isinagawa kaninang alas-9:00 nang umaga.
Layon nito na paigtingin pa ang paghahanda ng mga Pilipino sa pagtugon sa lindol sakaling tumama ang tinaguriang “the big one” o ang malakas na pagyanig dulot ng pinangangambahang pagkilos ng West Valley Fault na maaring mangyari anumang araw.
Highlight ng nasabing programa ang pagpindot ng buton sa pagpwesto ng “duck cover and hold”.
Sa opening remarks, iginiit ni Usec. Ricardo Jalad, administrator ng Office of Civil Defense sinabi nito na walang pinipiliping panahon ang lindol kahit pa nasa pandemya kaya mahalaga na maging handa anumang oras.
Ginagawa umano ang NSED para malaman ang tamang gagawin, bago, habang at pagkatapos ng lindol.
Sinabi ni Jalad, marami ang kampanya ng pamahalaan para sa disaster preparedness na kinakailangan nang suporta ng publiko.
Kaya naman para mas maging ligtas ang komunidad dapat magkaroon ng pagkakaisa at sama samang pagkilos.
Ayon naman kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Ano mahalaga ang “community resilience”o kakayahan ng komunidad na tumugon sa sakuna.
Sa mensahe ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, nanawagan ito sa publiko na patuloy na suportahan ang lahat ng aktibidad na may kinalaman sa paghahanda sa mga sakuna.
Ito ang pang-walong pagkakataon na isinagawa on-line ang NSED mula nang mag-pandemya.
Nakapagtala ang OCD ng 17,300 concurrent viewers, 105,432 views, at 80,380 engagements isang oras makalipas ang live stream ng NSED.
Ang 3rd Quarter NSED ay nakatakda namang isagawa sa Setyembre 8.