-- Advertisements --

Umabot na sa 290 na bangkay ng mga sibilyan sa bayan ng Irpin sa labas ng kabisera ng Kyiv ang narekober ng mga awtoridad.

Simula pa ito noong umatras ang mga tropa ng Russia mula sa kabisera ng Ukraine nang dahil sa pagkabigong matagumpay na sakupin ito.

Sa isang pahayag ay sinabi ni Irpin Mayor Oleksandr Markushin na 185 sa mga labi na ito ay nalaman na ang pagkakakilanlan, habang karamihan naman sa mga ito ay kalalakihan.

Batay sa kanilang mga pagsusuri, shrapnel at mga tama ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ng mga biktima ang nagmitsa ng kanilang pagkamatay.

Habang limang indibidwal ang nasawi nang dahil sa brain injuries at gutom.

Sa ulat, limang residente rin ang binaril sa bakutran ng isang high-rise building at isang children’s development center.

Magugunita na hindi ito ang unang pagkakataon na nakarekober ang mga awtoridad ng mga bangkay ng mga sibilyan sa paligid ng kabisera ng Kyiv.

Isang malaking halimbawa na dito ay ang mga natagpuang daan-daang nagkalat na mga bangkay ng mga sibilyan sa Bucha na umano’y kagagawan daw ng Russian forces na patuloy namang itinatanggi hanggang ngayon ng Russia.