-- Advertisements --

Inaasahang sa Hulyo 4, araw ng Sabado maiuuwi na rito sa Pilipinas ang labi ng natitirang 274 overseas Filipino workers (OFWs) na nasawi sa Saudi Arabia, mula sa kabuuang 301.

Sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III, sa bilang, 152 rito ay namatay sa COVID-19 habang ang 149 ay nasawi sa iba’t ibang dahilan o natural causes.

Ayon kay Sec. Bello, sa mga nasawi sa COVID-19, 23 rito ay nailibing na sa Saudi Arabia sa permiso na rin ng pinakamalalapit nilang kamag-anak, kaya 129 na lamang na mga labi ang maiuuwi rito sa pilipinas.

Sa 149 namang iba pa na namatay sa iba’t ibang dahilan, apat dito ay naiuwi na ng kani kanilang mga kaanak.

Inihayag ni Sec. Bello na mahigpit ang ipinatutupad ng protocol sa pagpapauwi sa mga labi ng mga Pilipinong namatay sa COVID-19.

Batay na rin sa rekomendasyon ng Department of Health (DOH), kailangang linisin at balutin muna ng tela ang mga labi ng mga ito.

Kailangan ding i-disinfect muna ang body bag bago ipasok dito ang labi saka isasara at siselyuhan.

Idi-disinfect din muna ang kabaon bago ipasok roon ang body bag saka ito isasara at sisilyuhan muli.