
Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi nito pababayaan ang lahat ng mga empleyadong maaapektuhan ng pagpapasara ng pamahalaan sa mga Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) company sa bansa.
Ito ay sa gitna ng isinasagawang crackdown ng mga otoridad sa operasyon ng mga ilegal na POGO companies sa Pilipinas.
Ayon kay Labor Undersecretary Benjo Benavidez, tinatayang aabot sa humigit kumulang 25,000 na mga mangagawa ang posibleng maapektuhan ng hakbang na ito ng pamahalaan.
Ang mga ito aniya ay kapwa mga rank and file employees na nagtatrabaho sa mga kumpanya ng POGO na nag o-operate sa bansa.
Aniya, entitled na magkaroon ng separation pay mula sa kanilang employer, at makakuha ng unemployment insurance benefit ang lahat ng mga manggagawang nawalan ng hanap buhay.
Bukod dito ay sinabi rin ng Labor Department na handa itong tulungan ang naturang mga manggagawa na makakuha ng bagong trabaho o magkaroon ng livelihood assistance sa pamamagitan ng kanilang Employment Facilitation Program.
Paglilinaw ni Benevidez, hindi lang mga Pilipinong POGO workers kundi maging ang mga dayuhang namamasukan dito ang sakop ng tulong na ilalatag para sa mga manggagawang apektado ng nasabing hakbang ng pamahalaan.
Kung maaalala, una nang inihayag ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na mayroong 23,118 Pinog ang nagtatrabaho sa mga POGO sa bansa na accredited ng nasabing ahensya.
Ayon sa Association of Service Providers and POGOs (ASAP), sinasabing nasa 11,776 sa mga ito ay pawang mga direct hired, habang ang natitirang 11,342 naman ay mga indirectly hired, at mayroon namang 17,130 na mga foreign nationals ang nagtatrabago sa mga ito.










