-- Advertisements --

Nakatakdang ipadala ng Kamara sa Senado ngayong araw ang kopya ng inaprubahan nilang bersyon ng 2021 General Appropriations Bill (GAB), isang araw bago ang nakatakdang schedule ng submission, ayon Speaker Lord Allan Velasco.

Ang House Bill 7727 o ang 2021 GAB ay nagsusulong ng P4.506-trillion budget para sa susunod na taon, ay inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa bago ang isang buwan na break ng Kongreso simula Oktubre 16.

“This record-high budget was designed to further strengthen government response and stimulate economic recovery in the wake of the coronavirus pandemic,” ani Velasco.

“Not only did we pass the proposed 2021 national budget in a timely, constitutional and legal manner, we also made sure next year’s spending plan will be more reflective and responsive to the needs of the people amid the worst public health crisis in a generation,” dagdag pa nito.

Sinabi ng lider ng Kamara na dinagdagan ng mababang kapulungan ang alokasyon para sa pagbili ng COVID-19 vaccines ng halos mahigit tatlong beses upang matiyak na mas maraming Pilipino ang masasakop dito.

Dinadgdagan din aniya nila ang pondo para sa facilities enhancement program ng Department of Health para mapagpabuti pa ang healthcare system.

Bukod dito, sinabi ni Velasco na ang version ng Kamara ng 2021 budget bill ay makakapagbigay din ng karagdagang pondo para sa Department of Labor and Employment (DOLE) para matulungan ang mga apektadong manggagawa ng COVID-19 pandemic, pati na rin sa Department of Social Welfare and Development para makapagbigay uli ng isa pang round ng financial assistance sa mga pamilyang apektado ng pandemya.