Umaasa si House Speaker Lord Allan Velasco na kayang ratipikahan ng Kongreso ang panukalang P4.5 trillion national budget para sa 2021 bago ang holiday break ng mga mambabatas.
Sinabi ni Velasco na mananatiling top priority ng Kamara ang national budget sa susunod na taon.
Nakatuon aniya ang kanilang pansin sa bicameral conference at kayang ratipikahan ng mga mambabatas ang bicam report bago mag-adjourn ang Kongreso.
Batid umano ni Velasco ang kahalagahan ng 2021 budget para sa laban ng bansa kontra COVID-19 at panunumbalik ng ekonomiya ng Pilipinas na sumadasad dahil sa health crisis.
Dagdag pa nito, layunin nila na gamitin ang natitirang sessions ngayong taon upang himayin at ipasa ang mga panukala na sinertipikahan bilang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Apat na linggo na lamang ang natitira sa Kongreso upang talakayin ang 2021 national budget bago ito mag-adjourn sa December 19 para sa isang buwan na Christmas break.
Kasama rin sa prayoridad ng Kongreso ang pagpasa sa panukala na magpapatibay sa Anti-Money Laundering Act (AMLA), Internet Transactions Act at maging ang panukala para sa Magna Carta of Barangay Workers.










