-- Advertisements --

Puspusan ngayon ang isinasagawang paghahanap ng mga rescuer sa mga survivor na na-trap sa mga guho kasunod ng malakas na magnitude 7.7 na lindol na tumama sa Flores Island sa eastern Indonesia umaga nitong Sabado, Agosto 15.

Kinumpirma ng rescue official na si Fathur Rhaman na 20 katao na ang kumpirmadong nasawi mula sa apat na bayan sa isla na popular sa mga turista.

Kabilang sa mga narekober ng mga rescuer ang isang wala nang buhay na indibidwal mula sa rubble ng gusaling bahagyang gumuho sa may port of Maumere.

Mayroon ding dalawang katao ang nailigtas ng buhay mula sa mga debris subalit may isang natagpuang patay na.

Liban dito, mayroon ding napaulat na anim na nasugatan at dalawa ang nananatiling nakabaon, na pinaniniwalang na-trap ng buhay sa ilalim ng mga guho sa karatig na Manggarai regency.

Ang Nagekeo regency naman ang pinakamatiding tinamaan ng lindol sa bansa dahil ito ang pinakamalapit sa episentro ng lindol sa north coast ng Flores Island.

Sa ngayon, ayon sa rescue official, nakapokus ang recue teams sa pagtunton sa mga biktima na nabaon sa ilalim ng mga guho. Bagamat naging kumplikado ang mga isinasagawang rescue operations dahil sa landslide na pumutol sa ilang mga kalsada.

Dose-dosena naman ng aftershocks ang naramdaman kasunod ng main quake na pumapalo sa magnitude 6.1 ang lakas.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang assessment sa lawak ng pinsala bunsod ng malakas na lindol.

Ang Indonesia at karatig na bansa ay karaniwang nakararanas ng pagyanig dahil na rin sa lokasyon nito sa Pacific “Ring of Fire,” na may mataas na seismic activity.