Patuloy na dumadami ang bilang ng mga frontliners na nais na ring ilagay muna ang Metro Manila sa enhanced community quarantine (ECQ) para makapagpahinga ang mga health workers.
Ayon kay Philippine College of Physician Vice President Dr. Maricar Limpin kailangan na rin munang magpahinga ang mga medical workers dahil na rin sa walang humpay na admission ng mga Coronavirus disease 2019 (COVID-19) patients sa iba’t ibang lugar dito sa Metro Manila.
Sinabi ni Limpin na kailangan din munang maka-recover ang mga frontliners sa exhaustion.
Dagdag ni Limpin, mula nang isailalim ang quarantine sa modified ECQ ay dito na nagsimulang lumobo nang lumobo ang mga covid positive na dinadala sa iba’t ibang ospital at quarantine facilty sa Metro Manila.
Dahil dito, ipinanukala ng doktora na kung puwede ay ibalik sa ECQ sa National Capital Region (NCR) kahit dalawang linggo lamang.
Naiintindihan umano ni Limpin ang gobyerno na ginagawa nila ang lahat para sa ekonomiya ng bansa pero kung ang ekonomiya raw ang mas nangingibabaw ay paano na lamang ang mga nagkakasakit at mga namamatay na mga Pilipino dahil sa naturang virus.
Kahapon nang ihayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na mananatili ang general community quarantine (GCQ) sa NCR, Bulacan, Batangas, Cavite, Laguna, Rizal, Cebu City, Lapu-Lapu City, Mandaue City, Minglanilla at Consolacion sa Cebu province at Zamboanga City.
Ang nalalabi namang bahagi ng bansa ay nasa ilalim na ng modified GCQ.










