-- Advertisements --

Sugatan ang dalawang pulis habang napatay naman ang isang suspek matapos ang palitan ng putok sa Franklin County, Pennsylvania nitong Huwebes, Oktubre 9, 2025.

Ayon sa inisyal na ulat ng Pennsylvania State Police, bandang alas-6 ng gabi nang rumesponde ang dalawang pulis sa isang insidente ng nakawan, kung saan tinangkang tumakas ng mga suspek. Nauwi ito sa habulan sa kalsada.

Matapos gamitan ng spike strips upang mapatigil ang sasakyan ng mga suspek, agad na sumunod sa utos ng mga awtoridad ang dalawang babaeng suspek. Ngunit bigla namang pinaputukan ng lalaking suspek ang mga pulis, dahilan upang gumanti ang mga ito at mapatay ang suspek.

Agad namang isinugod sa ospital ang dalawang pulis na nagtamo ng sugat, at kasalukuyan nang nagpapagaling.

Samantala, hindi pa inilalabas ng state police ang pagkakakilanlan ng mga pulis at ng suspek habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Sa isang social media post, ipinahayag ni Pennsylvania Governor Josh Shapiro ang kanyang pakikiisa at panalangin para sa agarang paggaling ng mga sugatang opisyal.

“Pennsylvania’s law enforcement officers are the very best of us — running towards danger every day to keep our communities safe,” ani Shapiro.