CEBU CITY – Nakauwi na sa bansa ang bowling team ng Pilipinas matapos ang ginanap na U21 IBF World Championship sa bansang Sweden kung saan dalawang Pinoy ang nakasungkit ng bronze medal.
Kinilala ang mga ito na sina Marc Custodio, 18 anyos at Stephen Luke Diwa, 17 anyos.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Custodio, sinabi nitong masayang masaya sila at hindi inaakalang makakapasok pa ito sa semifinals at makapag-uwi ng medalya dahil mahigit 20 pa umanong mga bansa mula sa Europa at Asya ang lumahok sa nasabing kompetisyon.
Sinabi pa nito na malaking tulong pa umano ang teamwork at communication nila ni Diwa para mapagtagumpayan ito.
Ibinahagi din ni Custodio na walong taong gulang pa lang umano siya nang nagsimulang magbowling at 12 taong gulang naman nang nagsimulang sumali sa mga lokal na kompetisyon.
Inamin naman ng bowler na nahihirapan itong pagsabayin ang pag-aaral at pagsali sa mga kompetisyon.
Samantala, sa ngayon aniya ay inaabangan nito ang mga internasyonal na kompetisyon kabilang na ang Asian Youth Championship sa susunod na taon.
Nagpaabot naman ito ng mensahe sa iba pang mga atletang may sasalihang mga kompetisyon na dapat hindi mawalan ng pag-asa kung matalo sa laban kundi gawin itong isang aral at ipagpatuloy ang laban.