BAGUIO CITY – Patay ang dalawang katao matapos silang pinagbabaril isang punong barangay sa isang disco bar sa Calaba, Bangued, Abra kaninang umaga.

Nakilala ang mga biktima na sina Elpidio Barbadillo Castillo Jr., 49, may-asawa, may-ari ng disco bar at si Nonilo Billedo, 31, binata, walang trabaho, parehong residente ng Bangbangar, Bangued.

Nakilala naman ang suspek na si Joel Bayle Mailed, 59-anyos, may-asawa, Punong Barangay ng Calaba, Bangued.

Ayon sa pulisya, pumunta ang suspek na nasa ilalim ng impluwensiya ng alak at mga kasama nito sa disco bar ni Castillo sakay ng isang van.

Kinausap ng suspek si Castillo para sa pagsara ng disco bar hanggang nauwi ang pag-uusap nila sa mainit na argumento.

Bigla umanong pinagbabaril ng suspek si Castillo ng ilang beses kung saan natamaan din si Billedo.

Nakita naman ng Alert Team ng Bangued PNP na nagsasagawa ng mobile patrol ang insidente kaya sinubukan nilang pasukuin ang suspek ngunit pinagbabaril sila ng suspek kaya gumanti si Police Staff Sgt. Lauro Robino.

Dinala ang mga biktima at suspek sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival si Billedo habang namatay si Castillo habang ito ay linalapatan ng lunas.

Nagtamo naman ang suspek na kapitan ng tama ng bala ng baril sa kanyang ulo at likod kung saan nasa pagamutan pa ito.

Narekober sa crime scene ang isang caliber 45 pistol na naglalaman ng isang bala, limang basyo ng bala ng caliber 45, isang deformed slug at dalawang basyo ng caliber 9mm.

Ayon pa sa pulisya, hindi pagkakaunawaan dahil sa pagkalasing ang motibo ng krimen.