NAGA CITY – Sugatan ang dalawang katao matapos pagsasaksakin ng mismong manungang nito sa Brgy. Sta Cruz, Nabua, Camarines Sur.
Kinilala ang mga biktima na sina Roger Baldon, 50 at Diosdado Mostar, 54 residente ng nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Staff Sergeant Marlon Gallarte, tagapagsalita ng Nabua municipal police station, sinabi nito na manugang umano ng suspek na kinilalang si Judy Baldovino, Alyas “Bano” 28-anyos ang biktimang si Baldon.
Ayon kay Gallarte, una nang nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan ang suspek at ang asawa nito ngunit nagalit umano ang suspek dahil kinampihan ng biyananan nito ang kaniyang asawa.
Dahil dito, nang pauwi na ang mga biktima sakay ng kanilang motorsiklo ng abangan ito ng nasabing suspek habang nasa impluwensiya ng alak.
Base sa imbestigasyon, hinarang ng suspek ang mga biktima saka ito pinagsasaksak.
Dahilan para magtamo ng tama sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima na agad naman na dinala sa ospital.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang nasabing suspek para sa karampatang disposisyon.










