-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Bunga umano ng matagal na pag-workout at paghikayat na magbalik-loob sa pamahalaan ang pagsuko ng dalawang kasapi ng New People’s Army (NPA) sa Albay.

Kinilala lamang ito sa mga alyas na “Jimboy”, 43 at “Aladin”, 41 habang kasamang isinuko ng mga ito ang ilang kalibre ng armas at bala kabilang na ang isang Ingram M11 caliber .9mm pistol na may isang magazine at 12 bala; isang Magnum caliber .38 revolver at 12 bala; maging ang mga subersibong dokumento.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Albay PPO Provincial Director PCol. Wilson Asueta, isasailalim na ang dalawa sa kaukulang proseso patungkol sa tatanggaping benepisyo sa ilalim ng Enhanced Local Integration Program (E-CLIP).

Hindi na rin nagbigay pa ng ilang detalye si Asueta sa pagsuko ng dalawa subalit binanggit na hirap na ang mga ito sa madugong pakikibaka.

Itinuturing naman ng opisyal na tagumpay ito ng pagpapatupad ng Executive Order No. 70 o End Local Communist Armed Conflict na may “whole-of-nation” approach.

Nangako naman ang opisyal sa pagtulong sa mga ito upang makabalik sa lipunan habang nananatili ana ang mga ito sa kustodiya ng Camp B/Gen. Simeon A. Ola.

Nabatid na pitong dating rebelde rin ang isinailalim sa E-CLIP noong nakaraang taon matapos na sumuko sa mga otoridad.