-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Namatay ang 2 market vendors na sakay ng motorsiklo matapos sumalpok ang sinakyan sa isang Isusu Mux sa Nagcuartelan, Aritao, Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PMajor Oscar Abrogena, Hepe ng Aritao Police Station, na ang nasawing market vendors ay sina Racquel Urbano, 31 anyos at Jake Bautista, nasa tamang gulang at kapwa residente ng Poblacion, Aritao Nueva Vizcaya.

Sakay din ng motorsiklo si Rosian Allan Bautista, nasa tamang gulang at residente Poblacion, Aritao na nagtamo ng bali sa paa.

Ang sasakyan na nakasalpok sa sinakyang motorsiklo ng mga biktima ay minamaneho ni Elegio Tabbu, 66 anyos, may-asawa at residente ng Pangasinan;

Ayon sa hepe ng pulisya, binabaybay ng sasakyan ang Maharlika Highway sa Brgy Nagcuartelan nang biglang sumulpot ang motorsiklong sinakyan ng mga biktima at umagaw sa linya ng 4-wheel vehicle.

Sinubukan pa umanong iwasan ng sasakyan ang motorsiklo ngunit hindi kinaya kaya tuluyan nasalpok ang mga biktima na nagsanhi ng malalang sugat at bali sa katawan ng mga biktima .

Idineklarang dead on arrival ng doktor ng MHO Aritao sina Urbano at Jake Bautista habang si Rosian Allan Bautista ay kasalukuyan pa ring ginagamot.

Ang driver ng sasakyan na si Tabbu ay mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property na nasa pangangalaga na ng pulisya sa bayan ng Aritao.