VIGAN CITY – Kalunos-lunos at kaawa- awa ang sinapit ng dalawang katao sa lalawigan ng Ilocos Sur matapos masangkot sa aksidente sa Barangay Guimod Sur, San Juan.
Nakilala ang mga biktima na sina Eric Vivit 43-anyos na residente ng Barangay Parada, Sto. Domingo na nagmaneho ng naaksidenteng Mio 125 black motorcycle at si Julius Ventura na tubong Asingan, Pangasinan ngunit kasalukuyang naninirahan sa Barangay Parada, Sto. Domingo.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, basag ang ulo at naputol pa ang kamay ng isa sa mga biktima dahil sa malakas na pagkakasalpok ng mga ito sa isang trailer truck na minaneho ni Rolly Adolfo, 37-anyos na residente ng Bacoor, Cavite.
Patungong hilagang direksyon umano sina Vivit at Ventura nang pinaniniwalaang naagaw nila ang linya ng trailer truck na siyang rason kung bakit nag-face-to-face ang sinakyan nilang motorsiklo at ang nasabing sasakyan.
Nayupi at halos madurog ang motorsiklo ng mga biktima dahil sa lakas ng impact ng aksidente at nagkalat din sa kalsada ang dugo at ang utak ng mga ito dahil sa pagkabasag ng kanilang ulo.
Sa ngayon, wala pang napag-uusapang areglo ang pamilya ng mga biktima at ang kampo ng nagmaneho ng trailer truck.