NAGA CITY- Sugatan ang dalawang indibidwal matapos pagbabarilin sa magkahiwalay na insidente sa lalawigan ng Quezon.’
Kinilala ang mga biktima na sila Alyas Eligio, 43-anyos, residente ng Brgy.Manggalang 1 Sariaya, at si Alyas Niño, 22-anyos, residente ng Purok 1, Brgy Malabanban Sur, Candelaria, Quezon.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang naglalakad si alyas Niño, nang bigla na lamang dumating ang suspek na kinilalang si Alias Tan-Tan, 26-anyos, residente rin ng Brgy. Malabanban Sur, mula sa likuran ni alyas Niño. Dito, binaril nito si alyas Niño sa ibabang parte ng kanyang likod.
Dahil dito, nagtamo ng tama ng baril si alyas Niño na agad naman dinala sa ospital para sa asistensya medikal habang kaagad naman tumakas si Alias Tan-Tan matapos isagawa ang krimen dala ang baril. Personal na galit naman ang nakikitang motibo sa naturang krimen.
Samantala, sugatan din si Alias Eligio matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Sariaya, Quezon.
Sa inisyal na imbestigasyon kan mga otoridad, nabatid na pauwi na sana sa kanyang bahay si Alias Eligio gamit ang kanyang motorsiklo ng bigla na lamang itong pagbabarilin ng backrider ng isang motorsiklo. Matapos ito, kaagad rin tumakas ang dalawa patungo sa hindi pa malamang direksyon.
Dahil dito, nagtamo naman ng sugat sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan si Alias Eligio, na sa ngayon ay patuloy pang nagpapagaling sa ospital.
Kaugnay nito, patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyong ng mga otoridad lalo na ang paghahanap sa posibleng kinalalagyan ng mga suspek.