Binawian ng buhay ang dalawang indibidwal matapos ang nangyaring aksidenteng kinasasangkutan ng isang motorsiklo at isang multicab kahapon, Disyembre 10, sa Brgy. Malusay Guihulngan City Negros Oriental.
Nakilala ang nasawing drayber ng motorsiklo na si Teodiseo Suerte, 52 anyos at ang backrider nitong si Jovie Caballerro, 46 anyos.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PCpl Candilario Bontigao, Traffic Investigator ng Guihulngan City Police station, sinabi nitong binabaybay ng dalawang sasakyan ang magkasalungat na direksyon.
Sinabi pa ni Bontigao na umaagaw sa kabilang lane si Suerte kaya bumangga sa multicab na paparating ang kanilang sinasakyan.
Naisugod pa umano sa pagamutan ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival.
Batay naman sa kanilang isinagawang follow up investigation, umaga pa lang ay may nakakita na umano sa mga biktima na nag-iinuman sa palengke.
Temporaryo namang idinetain ang driver ng multicab na si Wilfredo Maravilla dahil may pananagutan din naman umano ito dahil namatay ang dalawa ngunit pinalaya rin makalipas ang 18 oras matapos nagkaroon ng settlement ang dalawang panig at hindi na nagsampa pa ng kaso ang pamilya ng mga nasawi.
Paalala pa nito sa mga motorista na ugaliing sundin ang mga traffic rules at laging magsuot ng protective gear.