Pinapaalalahanan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na nagbabalak umuwi ng Pilipinas sa gitna ng pandemya.
Ito’y hinggil sa “green lanes” na inilatag ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Sa Laging Handa briefing kaninang tanghali, sinabi ni OWWA Director Rosalia Susana Catapang na kamakailan lang ay naglabas ng bagong panuntunan ang IATF-EID higgil sa 61 lugar na kinukonsidera bilang “green” o “low-risk” countries sa gitna ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) pandemic.
Ang mga OFW aniya na magmumula sa mga “green” countries na ito ay kailangan lamang na magpakita ng katibayan na sila ay nabakunahan na.
Kailangan ay malinaw sa dokumento na sila ay nakatanggap ng dalawang doses ng COVID-19 vaccines.
Pagkatapos ng 14 araw matapos silang maturukan ng second dose ng bakuna ay saka pa lamang sila dapat bumalik ng Pilipinas.
Nauna nang sinabi ng IATF na ang mga indibidwal na tapos nang magpabakuna abroad at nanatili sa mga bansang ito sa loob ng 14 na araw bago umuwi, ay kailangan lamang mag-quarantine ng pitong araw sa mga pasilidad na inihanda ng pamahalaan.
Istriktong babantayan sila ng anumang sintomas ng COVID habang naka-quarantine, ayon sa IATF.
Kailangan din na mag-self-monitor ang mga ito sa loob ng pito pang araw kapag makalabas na sa quarantine facility.
Bukod dito, kailangan ding sumailalim ng mga pasaherong ito sa “RT-PCR “testing sa ika-limang araw na pagka-quarantine sa accredited facility.










