Iniimbestigahan na ng Ministry of National Defense ng Taiwan ang nakita nilang dalawang Chinese balloons.
Ayon sa nasabing ahensiya na ang isang lobo ay patungo sa median line na naghihiwalay sa Taiwan at China habang ang isa ay lumilipad sa itaas ng isla.
Nangyari ang insidente nitong Enero uno kung saan ang isa ay nasa malapit sa Chiayi at ang isa ay sa Keelung.
May taas ang mga ito ng 30,000 hanggang 32,000 talampakan kung saan matapos ang ilang oras ay nawala na ang mga ito.
Ang paglipad ng Chinese balloons ay nagsimula noong nakaraang buwan at ito ay naulit habang papalapit ang presidential election sa Enero 13.
Naging malaking usapin ang nasabing Chinese balloons ng pabagsakin ito ng US dahil sa hinihinala nilang nag-iispiya ito.
Itinanggi naman nito ng China at sinabing ito ay pag-aari ng pribadong kumpanya na nawalan lamang ng direksyon ang paglipad.










