CAGAYAN DE ORO CITY – Pinakalma ng mga taga-Department of Health (DoH) region 10 ang publiko patungkol sa kompirmasyon ng UP-Philippine Genome Center na dalawa mula sa 48 na Coronavirus disease 2019 (COVID-19) cases ay nagmula sa Northern Mindanao.
Sa pagharap ni Llacuna sa local media,sinabi nito na ang nabanggit na mga pasyente ay nahawaan ng bayrus habang kasalukuyan na kino-comply ang kanilang mandatory quarantine isolation sa Metro Cebu at Metro Manila mula sa foreign trips nila noong huling bahagi ng Disyembre 2021.
Inihayag ng opisyal na ang bago pinapahintulutang makauwi ang Pinoy seaman sa kanyang pamilya sa Iligan City, Lanao del Norte ay nakompleto na nito isolation days sa lungsod ng Cebu.
Nangangahulugan na ligtas na itong lumapag sa paliparan ng Laguindingan, Misamis Oriental subalit isasalim pa rin siyang muli sa re-swabbing upang matiyak na ligtas na sa bayrus at ang kanyang pamilya.
Samantala, kasalukuyan pang naka-isolate ang 20-anyos na dalaga na taga-Barangay 1 ng Cagayan de Oro City sa isang hotel ng Maynila ilang araw ang nakalipas mula nang lumapag ito galing sa Las Vegas, Nevada sa Estados Unidos.
Bagamat wala nang iniinda na anumang sintoma ng bayrus ay kinokompleto pa rin nito ang kanyang quarantine days sa tinuluyan na hotel sa Maynila.
Kaugnay nito,nilinaw naman ni City Mayor Oscar Moreno na hindi ito maghihigpit ng border control para sa mga uuwi na mga taga-Northern Mindanao na papasok sa lungsod.
Bagamat ayaw niya na magdagdagan pa ang pasan na balakid ng mga kababayan subalit bumabawi naman ito ng mandatory vaccination na isa sa mga nakikita nito na epektibo na panlaban sa virus.