Tinangay mula sa isang tirahan sa Taguig City ang dalawang bisikleta at cycling gear na tinatayang nagkakahalaga ng P100,000.
Ayon sa biktima, handa siyang magbigay ng pabuya sa sinumang makakapagturo o makakabalik ng kaniyang mga nawawalang gamit.
Nakunan ng video surveillance ang hindi pa nakikilalang suspek na bumaba sa isang taxi sa kahabaan ng F. Manalo Street pasado alas-2 ng madaling araw noong Sabado, Marso 2, at dumiretso sa garahe kung saan matatagpuan ang mga bisikleta.
Pagkatapos ay gumamit ang suspek ng screwdriver para piliting pumasok sa naka-lock na gate, na tumagal naman ng mga 30 minuto para nakawin ang mga gamit habang natutulog ang may-ari at mga kalapit na residente. Nang matapos ang suspek ay umalis na may dalang dalawang bisikleta at helmet, kasama ang isang susi ng apartment.
Pinaghihinalaan ng biktima na matagal nang naplano ang pagnanakaw. Umaasa pa umano siya na mabawi ang mga gamit at handang magbigay ng pabuya.