Naharang sa Ninoy Aquino International Airport ang dalawang Pinoy na nagpapanggap bilang mga turista, napagilan ang mga ito sa kanilang flight patungong Thailand ngayong Linggo, Marso 17, matapos matuklasan ng Immigration officers na sila ay biktima ng human trafficking.
Ayon kay Bureau pf Immigration Commissioner Norman Tansingco, sa ulat mula sa Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ng BI, ang dalawang lalaki, ay naharang ng Immigration officers na nag-turn-over sa kanila sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa tulong at karagdagang imbestigasyon.
Sinabi ng BI na una nang sinabi ng dalawang pinoy na sila ay mga turista na magbabakasyon ng limang araw sa Thailand at mga lokal na nagtatrabaho sa isang telecommunications company na napag-alaman namang hindi totoo.
Pagkatapos nito ay agad namang umamin ang mga ito na pareho silang walang trabaho at lahat ng mga employment document na kanilang ipinakita ay peke dahil ang mga ito ay ibinigay lamang sa kanila ng kanilang Chinese recruiter.
Isiniwalat din ng dalawang lalaki na pagdating sa Bangkok ay dapat sila umanong sunduin at i-escort sa Laos kung saan sila kinuha upang magtrabaho bilang mga call center agent para sa isang kumpanyang pinaniniwalaang sangkot sa kilalang crypto investment scam.
Dagdag pa rito, sinabi rin ng mga biktima na ang kanilang mga dokumento ay ipinadala lamang sa kanila sa pamamagitan ng courier papunta sa hotel na kanilang tinutuluyan bago ang kanilang flight. Pinangakuan umano sila ng buwanang suweldo na $400 habang sumasailalim sa on-the-job training at $1,000 kapag sila ay naging regular workers.