Dalawang bata ang nakitang patay na sa loob ng isang kotse sa Angeles City, Pampanga nitong Biyernes ng hapon.
Dalawa at tatlong taong gulang ang mga batang natagpuan sa kotse na umaga pa umano pinaghahahanap ng kanilang mga magulang.
Base sa paunang imbestigasyon ng Angeles City Disaster Risk Reduction and Management Office, hindi pagmamay-ari ng magulang ng dalawang bata ang kotse.
Nadiskubre na lamang na may patay na bata sa loob ng kotse nang buksan ito ng may-ari.
Isasailalim naman sa awtopsiya ang dalawang bata para malaman ang sanhi ng pagkamatay nito.
Hindi pa kumpirmado kung paano nakapasok ang mga bata sa loob ng kotse.
Dahil dito, nagbabala ang ahensiya na huwag hayaang maglaro ang mga bata nang mag-isa at siguraduhing may kasamang bantay.