LAOAG CITY – Dalawang bagong pambansang rekord ang naitala sa nagpapatuloy na Palarong Pambansa 2025 matapos magpakitang-gilas ang mga atleta mula sa Western Visayas sa larangan ng athletics.
Sa dalawang magkahiwalay na event—110-meter hurdles at discus throw para sa secondary boys—ay pormal nang naibasura ang mga dating rekord matapos ang mga pambihirang pagtatanghal nina Mico Villaran at Josh Gabriel Salcedo.
Sa 110-meter hurdles secondary boys, tuluyang binasag ni Mico Villaran ang matagal nang rekord na 14.68 segundo na itinakda ni Patrick Ma Unso ng National Capital Region (NCR) noong 2010.
Sa makapigil-hiningang laban, tinapos ni Villaran ang karera sa loob lamang ng 14.00 segundo—isang napakalaking bagay sa mundo ng hurdling.
Matapos ang panalo, ibinahagi ni Villaran ang kanyang saloobin at sakripisyo sa likod ng tagumpay.
Aniya, simula pa noong Palaro 2023, siya na ang itinatanghal na kampeon sa event na ito, ngunit hindi niya nababasag ang rekord.
Dagdag niya na ngayong taon ay maituturing niyang napakalaking tagumpay para sa kaniya
Aniya, araw-araw silang nag-eensayo, at ang tanging pahinga lang nila ay tuwing Linggo.
Ayon sa kanya, lahat ng pagod at sakripisyo nila ay sulit matapos magwagi at makamit ang bagong rekord ng palaro.
Hindi pa rito nagtapos ang pagdomina ng Western Visayas sa athletics. Sa larangan naman ng discus throw para sa secondary boys, isa ring bagong rekord ang naitala.
Si Josh Gabriel Salcedo ang nagtala ng panibagong kasaysayan matapos ihagis ang disc sa layong 45.52 metro—malinaw na lampas sa dating rekord na 42.86 metro na hawak ni Airex Gabriel Villanueva ng Bacolod mula pa noong 2023.
Ang dalawang bagong rekord ay patunay ng tumitinding kompetisyon sa taunang Palarong Pambansa, gayundin ng husay at determinasyong taglay ng mga batang atleta ng bansa.
Ayon sa mga coach ng Western Visayas, ang mga tagumpay na ito ay bunga ng mahigpit na paghahanda, disiplina at suporta mula sa rehiyon at mga eskwelahan.
Habang nagpapatuloy ang mga kumpetisyon, marami ang umaasang mas marami pang rekord ang mababasag at masisilayan sa Palarong Pambansa 2025—isang patunay ng patuloy na pag-unlad ng sports sa Pilipinas.