-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad ang dalawang babaeng grenade courier matapos umanong gumawa ng eksena sa checkpoint sa bayan ng T’boli, South Cotabato.

Ito ang kinumpirma ni Major Irish Parangan, hepe ng T’boli PNP sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Parangan, nangyari ang insidente bandang alas-10:00 ng gabi sa Sitio Spring, Brgy. Poblacion.

Sinabi ni Parangan, naging arogante ang dalawang babae matapos sitahin ng pulis na nakabantay sa checkpoint na walang larawan at mistulang peke ang mga pangalan na nakalagay sa kanilang CCTS card.

Sa masusing pagsiyasat ng mga otoridad at sa iba pang ID ng mga ito nakita ang dalawang granada sa kani-kanilang mga sling bag, maliban pa sa sachet ng shabu.

Kaagad inaresto ang dalawa na nakilalang sina Kristine Bansawan Kala (aka Analyn Danian), 22, at Carla Lasib (aka Mary Jane Sulan), 20, kapwa mga residente ng Colonsabac, Matanao, Davao del Sur.

Sa ngayon ay inihahanda na ang kasong isasampa laban sa mga ito.