-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN – Nahaharap ngayon sa kasong rape ang isang 19-anyos na lalaki, matapos itong maaresto sa bayan ng Sta. Maria, Pangasinan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PCapt. Jim C. Valdrez, Deputy Chief of Police ng Sta. Maria Municipal Police Station, sinabi nito na noong nakaraang Enero pa ang kaso ng suspek na kinilalang si Jayson Ganaden, 19-anyos, at isang estudyante, subalit ngayon pa lamang nai-serve ang warrant laban dito.

Aniya na lumalabas sa kanilang isinagawang imbestigasyon at base na rin sa pagsasalysay ng biktima na noon pang 2021 nangyari ang panggagahasa dito sa mismong bahay ng biktima na menor de edad.

Paglalahad nito na akmang matutulog na ang biktima subalit nanloob ang suspek sa kanyang kwarto at pinagsamantalahan ito.

Sa kasalukuyan ay nakapiit sa kustodiya ng kapulisan ang suspek habang hinihintay na lamang ang utos mula sa korte kung maililipat ito sa Buraeu of Jail Management and Penology.

Samantala, ito pa lamang umano ang naitatala nilang kaso ng rape sa kanilang lugar ngayong buwan habang patuloy naman ang ginagawa nilang pagpapatrolya at pagbibisita sa mga barangay para sa information dissemination nang makaiwas sa mga ganitong uri ng krimen.