-- Advertisements --
OWWA

Nakahanda na ang mga tulong na ipapaabot ng pamahalaan para sa mga kababayan nating OFW sa Israel.

Ito ang tiniyak ng Overseas Workers Welfare Administration kasunod ng inaasahang pagdating ngayon ng panibagong batch ng mga Pilipinong uuwe sa bansa mula sa Israel.

Ayon kay OWWA Administrator Arnell Ignacio, ngayong araw ay inaasahang makakauwe na sa Pilipinas ang 18 OFWs na narepatriate mula sa naturang bansa nang dahil sa nagpapatuloy na kaguluhan doon.

Dahil dito ay mayroon nang kabuuang 28 mga OFW ang nakauwe na sa ating bansa, ngunit nilinaw niya na hindi lahat ng mga ito ay umuwe nang dahil sa kaguluhan, sapagkat ang iba sa kanila ay naka-schedule talagang bumalik sa bansa.

Samantala, bukod dito ay iniulat din ng opisyal na nananatili pa rin sa 131 ang kabuuang bilang ng mga Pinoy na lumikas mula sa Gaza at kasalukuyang naghihintay na mabuksan at mapahintulutang makatawid sa Egypt kung saan naman sila sasalubungin ng mga opisyal ng ating pamahalaan para sa kaukulang assistance at repatriation.

Kung maaalala, una nang sinabi ng OWWA na magbibigay ito at ang Department of Migrant Workers ng tig-Php50,000 na tulong pinansyal para sa mga OFW na apektado ng nangyayaring kaguluhan ngayon sa pagitan ng Israeli Defense Forces at militanteng grupong Hamas.