-- Advertisements --

BOMBODAGUPAN -Depresyon ang itinuturong sanhi ng pagkitil ng isang 18 anyos na binata sa sarili nitong buhay sa bayan ng Bolinao, Pangasinan.

Ayon kay PCAPT. Jayson T. Orilla, ang Deputy Chief of Police ng Bolinao Police Station, base sa testimonya ng nanay ng biktima, lagi na umano niyang napapansing tulala o balisa ang kaniyang anak sa mga nakalipas na araw.

Bago umano mangyari ang insidente bandang alas 9 ng gabi ay umuwi ng lasing ang biktima at deretso lamang ito sa kaniyang kuwarto upang matulog.

Kinaumagahan ay nakita na lamang itong nakalambitin gamit ang nylon rope.

Sa pakikipag-usap ng pulisya sa nanay ng biktima na isang katulong, idinadaing umano ng kaniyang anak ang kanilang estado sa buhay.

Ang pagkakaroon umano ng financial problem ang nakikita nilang sanhi ng pagpapakamatay ng binata dahil inirereklamo nito na kung hindi mahirap ang kanilang buhay ay nakapagtapos sana siya ng pag-aaral.

Kumbinsido naman ang pamilya ng biktima na walang anumang foul play sa insidente.