-- Advertisements --

Karagdagan pang 177 paaralan kabilang na ang 28 pampublikong paaralan sa Metro Manila, ang sasali sa pilot run ng face-to-face classes simula sa Lunes, Disyembre 6.

Ito ay bukod pa sa 118 eskuwelahan na nauna nang inaprubahan ng Department of Education (DepEd) para sa limited face-to-face classes noong Nobyembre.

Sa National Capital Region, tig-dalawang paaralan ito na mula sa Manila, Quezon City, Caloocan City, Mandaluyong City, Marikina City, Muntinlupa City, Navotas City, Parañaque City, Pasig City, Taguig City, Valenzuela City, at Las Piñas City.

Tig-isang paaralan naman ang manggagaling sa mga lungsod ng San Juan, Pasay, Malabon at Makati.

Ang pilot testing ng in-person classes ay sinimulan noong Nobyembre 15 pero sa ilang piling lugar lamang sa bansa sa gitna ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Sa 118 na paaralan na pinayagan noong Nobyembre para sa pilot implementation ng face-to-face classes, 100 dito ay pampublikong paaralan habang 18 naman ang private schools.

Ang mga ito ay matatagpuan sa mga lugar na maituturing na low risk o mababa lamang ang kaso ng COVID-19.