Aabot na sa 162 kongresista ang nagpahayag ng kanilang suporta sa panukalang batas na inihain ni Speaker Lord Allan Velasco para sa ikatlong Bayanihan Law.
Sa isang statement, sinabi ng kampo ni Velasco na ang mga kongresistang ito ay pawang nanggaling sa supermajority, minority at independent blocs sa Kamara.
Huwebes noong nakaraang linggo nang inihain nina Velasco at Marikina Rep. Stella Quimbo ang kanilang House Bill No. 8628, o ang proposed Bayanihan to Arise as One Act (Bayanihan 3).
Aabot sa P420 billion ang pondo na nais ilaan dito para gamitin naman sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa kasunod nang pagbagsak nito bunsod ng COVID-19 pandemic.
Layon ng panukalang batas na ito na bigyan ng P108 billion para sa karagdagang social amelioration sa mga apektadong pamilyang Pilipino; P100 billion para sa capacity-building sa mga apektadong sektor; P52 billion para sa wage subsidies; P70 billion para sa capacity-building naman ng mga agricultural producers; P30 billion para sa internet allowances sa mga guro at estudyante; P30 billion bilang tulong sa mga manggagawang nawalan ng trabaho; P25 billion para sa COVID-19 treatment at vaccines; at P5 billion para sa rehabilitation ng mga lugar na apektado ng mga pagbaha at bagyo.










