Hindi na rin nakaligtas ang sampu pa nating mga kababayan sa Shanghai, China matapos na magpositibo ang mga ito sa COVID-19.
Sa isang pahayag ay ipinahayag ito ni Philippine Consul General in Shanghai na si Josel Ignacio matapos aniya na humingi ang mga ito ng tulong sa foreign service post.
Mahigpit nila itong binabantayan kasabay ng kanilang isinasagawang direktang pakikipag-ugnayan sa mga ito upang maibigay ang lahat ng kanilang mga pangangailangan habang nasa ilalim ng quarantine at nagpapagaling.
Sinabi naman ni Ignacio na inasahan na nila ang mga posibleng maging problema sa gitna ng nagaganap na surge ngayon sa bansa tulad ng panic-buying at iba pa kung kaya’t napaghandaan naman aniya nila ito upang matiyak ang food security sa mga Pilipinong kasalukuyang nasa Shanghai.
Pinag-aaralan na rin aniya nila kung papaano nila ipamamahagi ang mga pondong kanilang natanggap mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Magugunita na una nang nakapagtala ang Shanghai ng pito pang mga bagong nasawi nang dahil sa COVID-19.