-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Bilang suporta sa programa ng nasyunal na pamahalaan, patuloy ang pagpapalakas ng kampanya tungo sa malinis na pamayanan sa probinsya ng Cotabato kung saan ngayong taon, may karagdagang 10 barangays dito ang pumasa sa sanitation standards ng Department of Health (DOH) para sa isang komunidad.

Kamakailan lamang ay nagsagawa ang Brgy. Anick, Pigcawayan ng selebrasyon para sa deklarasyon nito bilang zero open defecation (ZOD) o Grade 1 status barangay matapos ang mahaba at mabusising proseso tungo sa isang community-led total sanitation. Bilang insentibo, binigyan ang barangay ng sampung libong piso at 15 toilet bowls.

Katuwang ng pamahalaang panlalawigan ang mga lokal na opisyales, iba’t ibang stakeholders sa mga komunidad tulad ng barangay health workers (BHWs), sanitation inspectors sa mga munisipyo, iba pang ahensya ng pamahalaan at maging mga non-government organizations (NGOs) sa nasabing programa.

Maliban sa nabanggit na barangay, ginawaran din ng parehong sertipikasyon o ZOD status ang mga sumusunod na barangay sa Cotabato ngayong taon: Brgy. Malagasakit, Pigcawayan; Bual Norte, Midsayap; New Alimodian, Matalam; Villaflores at Libertad sa bayan ng Makilala; at Batiocan, Libungan.

Ang G1 o ZOD certificate ay katibayan na ang nasabing mga barangay ay may sarili ng palikuran sa bawat pamamahay o household na pumasa sa pamantayan ng DOH batay sa pisikal na structure at lokasyon ng palikuran (safe and secured), at may maayos at tamang paraan ng pagtatapon ng basura o solid waste.

Samantala, Grade 2 o Basic Sanitation Status naman ang iginawad sa Brgy. Kamada, Magpet; Napalico at Datu Ladayon na parehong barangay sa bayan ng Arakan.

Ang G2 Status naman ay hindi lang patunay ng pag-angat ng kaalaman ng isang komunidad o barangay hinggil sa hygiene and sanitation ngunit isa ring kompirmasyon na ang barangay ay may malinis at maayos na palikuran at proper waste disposal sa mga pamamahay at pampublikong mga lugar nito.

Kasama nga sa 12-point agenda ni Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza ang programang pangkalusugan kaya pinag-iibayuhan ng mga health workers, service providers, at advocates ng pamahalaang panlalawigan at ang partners mula sa iba pang ahensya at organisasyon ang pagpapatupad ng mga proyekto at programa na sumusuporta sa nasabing layunin.