-- Advertisements --

Patuloy pa rin na hinahanap ng mga otoridad ang pitong iba pang mga biyahero mula South Africa na dumating na sa Pilipinas kamakailan, ayon sa Department of Health (DOH).

Sinabi ng DOH na sa walong katao na kanilang nauna nang hinahanap, isa rito ang kanila nang natunton.

Kasalukuyang naka-home quarantine anila ang naturang biyahero, wala namang sintomas at negatibo na rin sa COVID-19 base sa isinagawang RT-PCR test sa kanya.

Sa mga hindi pa nahahanap na returning Filipinos, tatlo ang nagbigay ng contact number ng kanilang ahensya at hindi ng kanilang sariling numero, isa ang mali ang contact number na ibinigay, isa naman ang incomplete ang numero, at dalawa ang hindi na ma-contact pa sa ngayon.

Boong Lunes, sinabi ng DOH na natunton na nila ang 80 biyahero mula South Africa, kung saan 77 dito ang returning Filipinos at ang iba naman ay foreign nationals.

Sa mga hindi pa rin makita sa ngayon, nananawagan ang pamahalaan na makipag-ugnayan sa mga otoridad.