-- Advertisements --

LOON, BOHOL- Patay ang isa katao habang sugatan naman ang walong iba pa kabilang ang apat na menor de edad matapos mabangga ng isang van ang isang tricycle noong Lunes Setyembre 26, sa bayan ng Loon Bohol.

Nakilala ang nasawi na si Melvin Radaza, 25 anyos.

Maliban kay Radaza, sugatan ang mga kasamahan nitong sina Manuel Cartazona, 66 anyos; Eliezer Pinat, 68 anyos; Sherwin Piscos, 46anyos, Simeon Requillo, 52 anyos; dalawang limang taong gulang, at dalawang menor de edad na may edad 14 at 17 anyos.

Ayon sa ulat ng pulisya, lulan ng tricycle ang nabanggit na mga biktima nang mangyari ang insidente.

Magkasunod lang ayon pa ang dalawang behikulo patungong Tubigon nang nagtangkang mag-overtake ang van pero nabunggo nito ang tricycle dahilan kaya bumaligtad ito.

Agad pang isinugod sa pagamutan ang mga biktima ngunit binawian ng buhay si Radaza matapos nagtamo ng lubhang sugat sa ulo nito na siyang direktang natamaan sa pagbangga dahil nakaupo ito sa likod.

Maliban sa nasawi, nabalian ng paa ang 17 taong gulang habang ang iba pang mga pasahero ay nagtamo lang ng minor injuries.

Kusang sumuko naman sa Loon Police Station ang driver ng van kasunod ng insidente.