CAUAYAN CITY- Mayroon nang sinusundang gabay ang Luna Police Station sa naganap na pambubugbog at pamumukpok ng bato na ikinasawi ng isang laborer at ikinasugat ng dalawa pa sa San Miguel, Luna, Isabela.
Ang nasawi ay si Rex Miranda, 30 anyos, may asawa, laborer, residente ng barangay Conception Luna Isabela habang sugatan sina Jessie Lucas, 26 anyos , laborer residente ng barangay Pulay, Luna, Isabela at Jay-Ar Palungao,29 anyos, laborer, residente ng barangay Mambabanga, Luna, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo, sakay ang mga bktima ng tricycle at binabagtas ang pambansang lansangang nasasakupan ng barangay San Miguel patungong bayan ng Cabatuan nang sigawan at murahin ng mga pinaghihinalaan saka sinabihang ihinto ang kanilang tricycle.
Nang makahinto ang tricycle ay binugbog ng anim na kalalakihan si Lucas ,Rex at Parungao at matapos ang pambubugbog ay agad namang umalis ang mga suspect patungo sa Cauayan City.
Bago ang insidente napag-alamang nanggaling ang mga biktima sa inuman sa isang bar sa Barangay San Fermin, Cauayan City at habang palabas nang bar ay muntik na umano nilang mahagip ang grupo ng mga pinaghihinalaan sakay ng motorsiklo papasok sana sa loob ng bar.
Nagkainitan ang grupo ng mga biktima at pinaghihinalaan subalit umalis umano ang mga biktima gayunman ay sinundan sila ng mga naka motorsiklo.
Agad namang tumugon ang mga rescuers ng bayan ng Luna at dinala sa pagamutan ang mga biktima subalit idineklarang dead on arrival si Rex Miranda dahil sa matinding sugat sa kanyang ulo na sanhi ng pamumukpok ng bato.
Mayroon na ring sinusundang gabay ang pulisya sa pagkakilanlan ng mga pinaghihinalaan.