CENTRAL MINDANAO-Blangko pa ang mga otoridad sa motibo sa pananambang sa dalawa katao sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang nasawi na si Muslimin Behemino,empleyado ng isang remittance center habang nakaligtas ang kanyang kasama na si alyas Alinor,mga residente ng Pansacala Street Cotabato City.
Ayon kay Datu Saudi Ampatuan Chief of Police Lieutenant Melvin Laguting na habang sakay ang mga biktima sa isang Toyota Innova na may plakang NDM-3144 mula sa Cotabato City patungo sa General Santos City.
Ngunit pagsapit nila sa hangganan ng Datu Saudi Ampatuan at Datu Unsay Maguindanao ay bigla silang tinambangan ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan gamit ang M16 Armalite rifles.
Bumangga ang sasakyan ng mga biktima sa nakaparadang ten wheeler truck sa gilid ng national highway habang mabilis na tumakas ang mga salarin.
Naisugod pa ng mga pulis si Behemino sa pagamutan ngunit hindi na ito umabot ng buhay habang nakaligtas si Alinor.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa Datu Saudi Ampatuan Maguindanao sa pananambang sa mga biktima.










