-- Advertisements --

Hindi bababa sa isang tao ang nasawi at ikinasugat ng apat na iba pa ang tumamang 6.3 magnitude na lindol sa hilagang-kanlurang lalawigan ng Qinghai, China noong Hunyo 16.

Batay sa China Earthquake Networks Centre, yumanig ang lindol sa isang mataas na lugar sa Haixi prefecture bandang ala-5:06 ng hapon (oras sa Beijing). May lalim itong 10 kilometro, na itinuturing na mababaw at karaniwang mas ramdam ang epekto sa ibabaw ng lupa.

Ayon sa China’s state broadcaster CCTV, humigit-kumulang 320 tauhan ang ipinakalat para sa search and rescue operations.

Nanatili namang maayos ang operasyon ng mga kalsada, komunikasyon, tubig, at kuryente sa loob ng 50 kilometro mula sa epicenter ng lindol. Gayunpaman, patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon tungkol sa lawak ng pinsala.

Inilikas na rin ang mga manggagawa sa mga kalapit na minahan ng carbon bilang pag-iingat, habang sinusuri ng mga awtoridad ang kabuuang pinsala sa mga residente doon.

Naitala rin ang mahigit isang dosenang aftershocks matapos ang lindol, kabilang ang isa na may lakas na magnitude 4.9, na lalong nagdagdag sa pangamba ng mga residente at rescue teams.