Nanawagan ngayon si Senador Imee Marcos sa pamahalaan na madaliin ang pagbebenta ng mga “toxic” o non-performing assets para makatulong upang makalikom ng karagdagang pondo na magagamit sa gitna ng pananalasa ng COVID-19 pandemic.
Sa kanyang inihaing Senate Bill 1646 o Financial Institutions Strategic Transfer (FIST) Act, nais ni Marcos na makabuo ng specialized asset-managing corporation na siyang maglilinis mula sa mga pagkakautang at di mapakinabangang mga ari-arian ng mga lending institutions.
Babala ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, na dadami pa ang mga hindi makakabayad ng utang bunsod ng patuloy na kahirapan dulot ng pandemya.
“Tila virus yang mga hindi nababayarang utang at iba pang non-performing asset na nakakaapekto sa ating ekonomiya. Masusubukan ang tibay ng bansa sa mga susunod na buwan,” ani Marcos.
Sinabi ni Marcos na katulad ng mga tinatawag na SPV o special purpose vehicles (SPVs) na binuo sa kasagsagan ng 1997 Asian financial crisis, ang mga FIST corporations na bubuuin sa ilalim ng panukala ang tutugon sa banta ng pandemya sa pambansang ekonomiya.
“Napababa ng nasabing stratehiya ang dami ng mga problemadong pautang mula sa 14.6% noong 2001 hanggang 5.1% na lamang ng lahat ng pautang noong 2005. Daan-daang bilyon din ang nagawa sa pagbenta ng mga toxic assets at napadaloy sa ating sistemang pinansyal,” ayon kay Marcos.
Dagdag pa ni Marcos, ang tax privileges at fee exemption na ibibigay sa mga FIST corporations ang hihimok sa pagbuo nito sa panahon ng tumitindi ang krisis sa pinansya.
“Kulang ang P140 billion na inilalaan ng ating mga economic manager sa ikalawang stimulus package. Makakatulong ang mga FIST corporations na dagdagan ang pondo ng gobyerno para tugunan ang pangangailangan sa pandemya,” inihayag pa ni Marcos.
Sinabi ni Marcos na ang halaga ng mga problemadong pautang ng mga bangko pa lamang ay maaaring lumobo sa mga susunod na buwan ng hanggang 20% ng kabuuang mga loan mula sa kasalukuyang 5%, base sa pagtataya ng Bankers Association of the Philippines.
“Maging mapagbantay tayo, huwag maging kampante at magplano ng mas maaga para sa mga susunod na buwan. Kahit nakakaya pa ng gobyerno na mapanatili ang tatag ng piso kontra dolyar, hindi natin masasabi hanggang kailan ito magtatagal kung mananatiling mahina ang mga lokal na negosyo at export,” ani Marcos.
“Nakagugulat ang paglobo ng kaso ng COVID-19 araw-araw at maging ang ating mga ospital ay nagsisimula na ring mangamba sa kanilang kapasidad,” dagdag pa ni Marcos, na nagbanggit rin na binago ng UP researchers ang pagtaya nila sa dami ng kaso ng virus na maaring umabot ito sa 75,000 sa katapusan ng buwan.